BARTOLOME
Sa awa ng Diyos
Arsobispo ng Konstantinopla–Ang Bagong Roma at Ekumeniko Patriarko
Sa kalahatan ng simbahan: nawa ang grasya, awa, at kapayapaan mula kay Kristo –ang bagong silang na Tagapagligtas mula sa Bethlehem
Mga kagalang-galang na kapatid hierarko at mga minamahal na anak sa Panginoon.
Ngayon ang ating Banal na Simbahan ay nagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng walang-hanggang Anak at Logos ng Diyos, ang Kanyang kapanganakan ay “kakaiba at makabalighuang misteryo” na siyang “iningatang lihim sa napakahabang panahon at sa mga salinlahi.” (Kol, 1;26) Kay Kristo ang katotohanan pantungkol sa Diyos at sa sangkatauhan at tiyak na ipinahayag, tulad ng pagpapaliwanag theolohikal ni San Cirilo ng Alexandria: “Tayo ay tao sa ating kalikasan, ngunit Siya ay bumaba sa langit upang maging salungat sa Kanyang pagkadiyos dahil sa kanyang pagmamahal at naging tao. Tayo ay mga lingkod ng Diyos sa ating kalikasan bilang Kanyang nilikha, ngunit Siya ay naging alipin, na siyang salungat sa kanyang pagkadiyos nang Siya ay nagkatawang tao. Gayundin, tunay ang kabaliktaran nito: Siya ay Diyos sa kanyang kalikasan at tayo sa kanyang biyaya ay nagkaroon ng kakayahang umangat sa pantaong kalikasan. Sapagkat tayo ay pawang tao at Siya ay Anak ng Diyos sa kanyang kalikasan, ngunit tayo din ay mga anak ng Diyos sa ating pagtugon sa pakikipagkaisa sa Kanya.” [1]
“Malalaman nyo ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Juan 8:32). Ang ating Panginoong Hesukristo “ang daan, ang katotohanan at ang buhay” (Juan 14:6), ang tagapagpalaya sa sangkatauhan “mula sa pagkaka-alipin sa kaaway.” Kailanman ay walang buhay o kalayaan pag wala sa Katotohan o sa labas ng Katotohanan. Ang pagbibigay ng anumang kahulugan sa ating mga pitahin ay hindi kalayaan, kundi ito lamang ay isang makabagong anyo ng unang kasalanan, ang ating pagsasara ng pinto at pagkukubli sa ating pagsasarili, na walang pang-unawa sa katotohanan bilang pakikipagugnayan sa Diyos at sa ating mga kapwa. Ang Pasko ay ang panahon ng pagninilay, upang maunawaan natin ang pagkakaiba ng “Diyos na nagkatawang tao” (Θεανθρώ-που) at ang taong umaastang diyos (ἀνθρωποθεοῦ). Ito ang panahon ng pagiging mulat sa Kristiyanong aral na “hindi natin pinaguusapan ang pagiging diyos ng tao, kundi ang Diyos na nagkatawang tao.” [2]
Ang mabuting balita ng Pasko ngayon ay umaalingawngaw kasama ng ingay ng digmaan at ang sagupaan sa Ukraniya, na siyang nagpapakita ng kakila-kilabot na kinahahantungan ng nakakayamot at hindi makatwriang paglusob. Para sa ating mga Kristiyano, ang lahat ng digmaan at pamamaslang ng ating mga kapatid; ang mga ito ay digmaang sibil, na siyang “bunga ng presensya ng kasamaan at kasalanan sa mundo” [3] ayon sa turo ng Banal at Dakilang Konseho ng Simbahang Orthodox. Sa usapin sa Ukraniya, ang mga salita ni San Gregorio Palamas tungkol sa kanyang karanasan sa digmaang sibil sa pagitan ng dalawang mananampalatayang Orthodox sa Thessaloniki ay lalong nauukol dito: “Iisa ang inang nag-aruga sa kanila at ito ang Banal na Simbahan at ang panalangin na siyang pinababanal ni Kristo, ang tunay na Anak, na Siyang hindi lang ating Diyos, kundi siya ding naging ating kapatid at ama.” [4]
Sa pagkatao ni Kristo, ang “kabuuan” ng mga natamo, ang pag-sibol ng pagkakaisa ng sangkatauhan at ang kabanalan ng pagkatao, ang pagbubukas ng daan patungo sa “pagkahawig sa Diyos” at ang pagkahayag ng kapayapaan na “higit pa sa kaya nating maunawaan” (Fil 4:7). Si Kristo “ang ating kapayapaan” (Efeso 2:14), at kay Kristo itinalaga ang makasaysayang bantayog at Banal na Simbahan ng Hagia Erine (Banal na Kapayapaan) sa Lungsod ni Konstantinos.
Pinagpapala ng ating Tagapagligtas ang mga “nagsisikap para sa kapayapaan” sapagkat “sila ay tinatawag na mga anak ng Diyos” (Mateo 5:9); Siyang nagsusulong ng katuwiran at pagmamahal lalo na sa mga kaaway. Sa Banal na Liturhiya, ang Simbahang Orthodox ay nanalangin para sa “kapayapaan mula sa itaas” at “para sa kapayapaan ng daigdig.” At sa Liturhiya ni San Basilio na Dakila, tayo ay nanalangin at lumuluwalhati sa Tagapagbigay ng mabubuting bagay: “Ipagkaloob sa amin ang iyong kapayapaan at ang iyong pagmamahal, Panginoon aming Diyos; sapagkat binibigay mo ang lahat ng bagay.” Bilang tagatanggap at pinakanakikinabang sa lahat ng bigay ng Diyos, tayo ay higit na lahat, ay nararapat na magsikap para sa kapayapaan ayon sa banal na kasulatan: “ang pinagkatiwalaan ng marami ay papanagutin ng higit na marami” (Lukas 12:48). Sa diwang ito, ang mga sinabuhay ng mga Kristiyano na taliwas sa turo ay hindi nakakaapekto sa Kristiyanismo kundi dinadamay nito ang mga nabubuhay na tumataliwas sa banal na kautusan.
Kailanman ay hindi nangyari sa kasaysayan ng sangkatauhan na ang kapayapaan ay isinasawalang-bahala lamang. Kundi, kahit saan ito ay ang nagiging bunga ng pagkukusa, ng lakas ng loob at pagaalay ng sarili, ng pagtutol sa karahasan at pagwaksi ng digmaan bilang sagot sa hindi pagkakaunawaan, at ang palagiang pakikibaka para sa hustisya at pagtanggol sa dignidad ng bawat tao. Ang kanilang naiambang para sa kapayapaan at pagkakasundo ay ang pangunahing pamantayan ng katotohanan ng relihiyon. Sa loob ng tradisyong pangrelihiyon, hindi maitatanggi na may mithiin hindi lang para sa kapayapaan ng loob, kundi para din sa pagsulong at pagtatag ng kapayapaan sa lipunan at pagsupil ng karahasan sa pagitan ng mga tao at bansa. Ito ay lalong mahalaga sa ating panahon dahil sa ating kalagayan na ang kapayapaan ay palagiang mananahan dahil sa pagusbong ng ekonomiya, ang pagtaas ng antas ng pamumuhay ang ang pagsulong ng agham ang teknolohiya sa pamamagitan ng kommunikasyong digital at internet. Tayo ay naniniwala na walang kapayapaan sa bawat tao at kabihasnan kung walang kapayapaan sa pagitan ng mga relihiyon, at kung walang pag-uusap at pagtutulungan. Ang pananampalataya sa Diyos ang nagbibigay lakas sa ating gawain para sa mundo ng kapayapaan at hustisya, kahit na ang ating pagsusumikap ay hinahadlangan ng hindi malampasang pagsubok. Gayunpaman, hindi katanggap-tangap para sa mga kumakatawan sa relihiyon na magturo ng panatisismo at pag-alabin ang apoy ng pagkasuklam.
Mga kagalang-galang na kapatid at minamahal na mga anak sa Panginoon,
Si Kristo ay sinilang; luwalhatiin Siya! Si Kristo ay bumaba sa langit, salubungin Siya! Si Kristo ay nasa daigdig; tumindig sa Kanya! Sa pagsunod sa pangaral ng banal na hinalinhan sa Trono ng Simbahan ng Konstantinopla, ating ipagdiwang ang pagsilang ng Tagapagligtas ng sanlibutan ng may kalagakang espiritwal, “hindi sa makamundo, kundi sa makalangit na paraan,” pagiwas “sa lahat ng kalabisan at hindi kailangan; lalo na kung ang iba – na galing sa parehong pagkakalikha – ay nagtitiis ng gutom at nasa kahirapan.”[5] Tayo ay nananalangin na lahat kayo ay matamasa ng puno ng panalangin at maluwalhati ang Banal na Labing-dalawang Araw ng Pasko ng may tunay na kabuuhan ng panahon at kaningningan ng liwanag na walang-hanggan. Nawa’y ang pagdating ng taong 2023 ay magdulot – sa pamamagitan ng kabutihan at biyaya ng Banal na Logos na siyang nagkatawang tao para sa atin at para sa ating kaligtasan – ng panahon ng kapayapaan, pagmamahal at pagkakaisa, at tunay na taon sa kabanalan ng ating Panginoon!
Ἔτη πολλά καί εὐλογημένα!
Pasko ng Pagsilang 2022
+ Bartolome ng Konstantinopla –Bagong Roma
Ang inyong tagapagsumamo sa harapan ng Diyos
______
[1] San Cirilo ng Alexandria, Ἡ Βίβλος τῶν Θησαυρῶν περί τῆς Ἁγίας καί Ὁμοουσίου Τριάδος (Aklat patungkol sa Banal na Santatlo), PG 75.561.
[2] San Juan ng Damasko, Ἔκδοσις ἀκριβής τῆς ὀρθοδόξου πίστεως (Ang Paglalahat ng Pananampalatayang Orthodox), PG 94.988.
[3] The Mission of the Orthodox Church in Today’s World, IV, 1.
[4] San Gregorio Palamas, Περί τῆς πρός ἀλλήλους εἰρήνης (Ang Kapayapaan sa Bawat isa), PG 151.10.
[5] San Gregorio the Theologo , Εἰς τά Θεοφάνια, εἴτουν Γενέθλια τοῦ Σωτῆρος (Patungkol sa Theophania at Pagsilang ng Tagapagligtas) , PG 36.316.
Δεν υπάρχουν σχόλια:
Δημοσίευση σχολίου